After 10 years, nakadaan akong muli sa Immaculate Concepcion Parish church na sobrang lapit lang sa tinitirahan namin. Halos walang pinagbago ito, ganoon pa rin ang hitsura nito sa loob at labas. Naalala ko tuloy ang grade school at high school dahil nagpapamisa at nagsisimba ang mga tao sa iskwelahan namin sa simbahang iyon kapag unang biyernes ng buwan.
Dumaan ako sa simbahan upang magtirik ng mga kandila para sa mga minamahal naming sumakabilang buhay na. Tatlo yung itinirik kong kandila, parang "I love you" lang. Doon sa tirikan, may parang pila dahil yung iba ay nagdarasal kaalinsunod ng pagtitirik ng kandila at yung iba naman ay sadyang matagal magtirik marahil dahil marami silang itinitirik na kandila. Napansin ko yung babaeng nasa harap ko sa pila dahil lampas dalawampu yung hawak niyang kandila. Napalipat talaga ako ng pila.
Ngayon lang ulit ako nakapasok sa isang simbahan. Hindi ko na maalala kung kailan ang huli kong pagpunta sa mga ganitong lugar.
Ngayon ko lang nalaman(naalala?) na may tamang damit pala sa pagsisimba. Naka-pangbahay kasi akong pumunta kanina at nakita ko yung isang papel na nakapaskel sa isang pader na nagsasabi ng mga nararapat na isuot sa simbahan. Ayon din sa papel, pangpalengke ang suot ko. Wala namang pumuna sa akin dahil marami rin namang mga taong katulad ng sa akin ang suot.