Sunday, June 29, 2008

Ano fre?

Ano na nga ba...

Siyempre sobrang subsob sa trabaho itong nakaraang tatlong linggo. Malapit na rin kasi, sana, matapos iyong proyektong pinagkakaabalahan ng koponan namin sa opisina. Dahil doon, napaparami ang overtime.

Noong Biyernes, umabot kami ng mga ka-team ko ng bandang alas-tres ng umaga sa opisina. Pero nakanood kami ng One More Chance. Maganda iyong bandang simula, kaya lang kinulang sa wido ang katapusan. Sayang. Nakakatawa kasi may isang character doon na dapat bulag pero hindi ko naramdaman mula doon sa artista ang pagbibigay ng ganoong impresyon. Nalaman ko nalang na ganoon nga noong ipinaliwanag sa akin.

Anywho, bwisit talaga kasi naudlot nanaman ang balak naming makalabas ng Maynila para makapagpahinga ng saglit. Napapasok kasi kami nitong Sabado para matapos at maipadala ang mga kailangang ipadala sa kliyente.

Kailangan na ba ng bagong trabaho? Hindi.


Sa kabila ng pagod at paguubos ng oras sa trabaho, nakahanap pa rin ako ng oras para makapaglaro ng counter-strike at makapatay ng limandaang kalaban (ang cheezy).



Sa wakas, nabuhay nang muli ang Mac ko. Medyo matagal na rin itong natigang at nabulok dito sa isang sulok ng bahay namin mula noong ipinahiram ko ito at magkaroon ito ng problema sa motherboard dulot ng pagsaksak ng adapter nito sa isang tinotopak na linya ng kuryente. Moral lesson 1: gumamit ng AVR.

Dinala ko ito sa pagawaan ng mga laptop diyan sa may Ortigas. Sobrang masakit sa mataga kapag nagpapagawa ng ganitong mga bagay. Pakiramdam yata kasi ng mga nagbabantay sa mga pagawaan ay maraming pera ang sinumang nagpapagawa sa kanila.

Pagkatapos magawa iyong powerbook, nalaman kong sira rin pala yung adapter. Medyo naputol kasi yung kable.

Humanap ako ng mga pwede kong gawin para maayos ito. May sinundan akong gabay at umabot ako sa puntong nakalas ko na iyong pangkabit noong adapter sa powerbook.

Kaya lang, wala akong pang-solder, hindi ko na naituloy ang pagtatangka kong ayusin ang adapter. Nagpasya akong ideklarang it's too technical. Moral lesson 2: Huwag masyadong magmagaling.

Ipinagawa namin iyong adapter sa technician diyan sa labas. Noong first pass hindi ito gumana. Noong second pass gumana na ito kaya happy happy.



Bagong tabas ang buhok sa pangunahing ulo. ...


Talo ang Lakers, pero panalo naman si Pacquiao laban kay Diaz. No match naman e. Natawa ko dahil nagpakuha pa ng litrato si Manny doon sa tumalo sa Lakers pagkatapos ng laban niya. "Number One" fan pa raw si Manny noong KG. Tapos si KG din daw "Number One" fan ni Manny. Ikaw na ang maging Number One fan.


Nakakasabik ang paglabas ng Devil May Cry 4 para sa PC, kahit medyo magaganda lang ang mga nababanggit ukol sa larong ito.
Nakakasabik pa rin ang Starcraft 2, kahit sobrang tagal na nang panahong lumilipas para sa sinasabi ng Blizzard na "game that is as fun, balanced, and polished as possible".
At lalo pang nakakasabik dahil magkakaroon na rin ng Diablo III.

Shet. Paglabas ng mga larong iyan, gagamitin ko na talaga ang mga leave ko (half-day pa lang ang nagamit ko, ever since the world began, nakakatamad kasi mag-file ng leave, it's too technical). Sabik ako.