Ang huhusay din talaga ng karamihan ng mga tumatakbo para magkaroon ng posisyon sa pamahalaan ano? Biruin mo, gagastos ng malaki para sa mga posters, patalastas, at kung anu-ano pang maisip para lang maipakita ang mukha at pangalan nila sa maraming tao.
Gusto nga talaga nilang manalo. Bigay todo sa gastos. Ang pagkakarinig ko humigit kumulang P400, 000 ang bayad sa isang minutong patalastas sa telebisyon. May mga pulitikong ganoon kahaba ang mga patalastas. Ang nakakatawa talaga rito ay hindi lang isang beses pinapalabas ang mga iyon sa isang araw.
Kung manalo man sila, bigay todo rin kaya ang paglilingkod na gagawin nila?
Mayroon ding mga tumatakbo na pinadidikit ang kanilang mga posters sa kung saan saan. Nakakaloko nga kasi pati sa mga pribadong lugar nagdidikit pa rin yung mga nabayaran nila. Hindi lang naman ako ang naiinis sa mga poster na napakaruming tignan kaya nung isang araw nagtanggal kami ng mga poster ng mga kandidato at mga partylists. XD
Hindi mo na talaga malalaman kung ano ba talaga ang gusto nilang mangyari: ang manalo o ang maglingkod.
Ang isa pang nagbibigay ng malaking tandang pananong ay kung magkano nga ba ang sweldo ng mga nasa pwesto. Kunwari isang senador, magkano nga kaya ang binibigay ng pamahalaan para sa kanilang ginagawang trabaho? Kung nakakagastos sila ng P400, 000 para sa isang maikling patalastas, may pera pa kaya silang pangtustos sa pangaraw-araw na gastusin? Siyempre meron pa. Hindi naman tanga 'yang mga 'yan. Kung may sponsor naman, bakit kaya hindi na lang ibinigay sa kung saan mang charity o kung saan mang hindi lang sila-sila ang makikinabang?
Sabi nga nung kaibigan ko, imbis na yung mga plataporma nila yung ipakita, yung mga mukha lang nila na wala namang maibibigay na magandang basehan para iboto ng isang Juan dela Cruz.
Ayon nga rin sa isa kong nakausap na madalas makisalamuha sa mga pulitiko, kahit sa pinaka-urban at pinakamaliit na baranggay, mayroon at mayroong corruption.
Nakakalungkot isipin, pero ganito na talaga ang pulitika sa Pilipinas. Kasama na nga yata sa kultura.