So may box ng donuts dito sa bahay. Binili nila mom ito kahapon para may makain habang naghihintay ng eroplano ang ate kong pabalik sa trabaho. Ayun nga lang, hindi nila nakain kaya inuwi nalang dito at ipinatong sa hapag kainan.
Pag-uwi ko kanina, dahil sa slight na pagkagutom na dulot ng mahabang araw sa trabaho, naramdaman ko ang pangangailangang kumain. Naghapunan ako. Nasa hapag pa rin yung mga donut at naisipan kong kumain ng isa o dalawa nito bilang panghimagas.
Sa unang tingin, mukha itong isang masayang kahon ng donut, pero ang totoo, pinagpipiyestahan na ito ng mga langgam.
Kaya ang ginawa ko, pinagpag ko yung kahon dahil lumalayas naman yung mga langgam sa amin kapag ginagawa ito.
Noong maraming langgam na ang lumayas, binuksan ko yung kahon para kumuha ng isa.

So...... Ang lupit naman nung butiki at nakapunta sa loob.
Nawalan talaga ako ng gana kumain.

Ang naisip ko nalang, baka sinundan niya yung mga langgam hanggang napadpad siya sa loob ng kahon, pinagkakain niya ang ilan sa mga ito, at noong nabusog, tumambay nalang sa loob ng kahon.
. . .