Tuesday, December 12, 2006

Ang static na website at ang kwento ng Powerbook

Nagsimula ang lahat sa isang website na ang tawag ay e-bay. Marso 2006, nasa Baguio ako noon, nahihirapan at nagaalinlangan kung maipapasa ko ba ang mga asignaturang pinasok ko. Naisipan ko tuloy umuwi sa bahay namin sa Pasig para malimutan kahit saglit ang masalimuot na mundo ng pag-aaral. Pagdating ko sa bahay, nagimbal na lamang ako nang sinabi sa akin ng aking ina na may biniling laptop ang aking ate. Macintosh Powerbook G4. Ang ganda ng tunog 'di ba? Hanggang tunog nga lang yata eh. Nabili niya ang naturang laptop, powerbook, sa e-bay (kaya dun nalang nagsimula), sa halagang sampung libong piso P 10,000, mula sa isang mayaman na nagsawa na sa naturang gamit at bibili na ng mas bago. Pagkarinig ko sa presyo, nagimbal nanaman ako sapagkat mahirap makahanap o makabili ng ganoong klaseng bagay sa ganoong presyo. Siyempre, dahil punong-puno ako ng galak dahil sa pangyayari, hinanap ko yung powerbook. Nung tinanong ko na si ate kung nasaan yung powerbook, isang masayang salita lang ang sagot niya sa akin, “sira”. Siyempre, hindi ako, yung powerbook. May topak ito kaya pala ganoon ang presyo. Kung titignan ito, hindi na talaga bago ang hitsura, maraming gasgas, at medyo nababakbak na yung parang pilak na pintura. Isa pa sa mga problema nito ay wala itong fan, kaya medyo mabilis uminit. Kapag pinatakbo naman, medyo maayos kapag simula, aabot ka sa desktop kung swerte. Pero minsan, nagugulat na lang at titigil ito sa pagtakbo habang wala ka namang ginagawang sadya na kung anong makakapagpatigil sa kanya. Maiinis ka talaga dahil minsan tuwang tuwa ka na sa ginagawa mo, bigla na lang itong hihinto, talagang hinto, sa pagtakbo. Hindi na ako nagtaka kung bakit ibinenta ito.

Isang araw, pumasok ang pagkahilig ko sa pagkalikot ng mga bagay-bagay, naisipan kong kalikutin ang nakakaasar na powerbook. Sa tulong ng Google, natuklasan ko na nagkakaroon pala ng short circuit sa may bandang ilalim ng space bar kapag medyo nalalakasan ang pagpindot sa mga parte sa banda roon. Napag-alaman ko na tumatama ang kable ng trackpad sa metal na nasa ilalim ng keyboard kaya ito tumitigil sa pagtakbo, epekto ng stupid engineering ng Apple. Bukod dito, natuklasan ko rin na hindi lang ang powerbook namin ang may ganoong problema, marami palang tao ang nagkaroon ng parehong problema sa Powerbook G4 Titanium series na modelo, na epekto talaga ng stupid engineering ng Apple. Mabuti na lamang, sa bawat problema, kadalasan mayroong solusyong hindi mahirap gawin. Nalaman ko na kung lalagyan ng plastik na harang ang kable ng trackpad at ang metal na nasa ilalim ng keyboard, hindi na magkakaroon ng short circuit. Ginawa ko yung mungkahi at dahil doon, ilang buwan din akong naging maligaya sa paggamit ng powerbook.

Dumating ang unang semestre sa, sana, huling taon ko sa kolehiyo. Bandang Hulyo, isang gabi, nakatulog ako at naiwang nakasaksak ang power adapter ng powerbook. Umabot siguro ng mga sampung oras iyon. Noong binubuksan ko na ulit siya, ayaw nang bumukas. Hindi na nag-boot. Ginawa ko na lahat ng aking makakakaya, ngunit hindi kinaya ng aking powers ang sira ng powerbook kaya ipinaubaya ko ito sa aking ate, para ipagawa, kasama ang pag-asa na magagamit itong muli. Lumipas ang Agosto, Setyembre, at Oktubre, na walang nangyari kung hindi kumapal ang alikabok sa ibabaw ng powerbook. Busy kasi si ate.

Pagdating ng Nobyembre, dahil sembreak, ako na mismo ang umasikaso sa problema na nais kong masolusyonan. Dinala ko ang powerbook sa Apple Center sa Mega Mall, at ipinakonsulta ito. Doon lang ako natuwa sa ibig sabihin ng patience is a virtue. Busy kasi yung repair guy nila kaya ipinag-boot lang yung powerbook. Habang may tinitignan siyang ibang mga sirang Mac, laking tuwa ko nang nag-boot ang powerbook dahil sa kakahintay. Umalis ako sa Apple Center, nakangiti at puno pa rin ang bulsa. Hindi ko rin masyado naintindihan kung ano yung naging sira pero kung tama ang pagkakaalala ko, noong kinalkal ko siya nung isang beses, may parte sa loob na lumuwang, kaya siguro hindi nag-boot ay hindi niya na-dedetect yung hard disk. Matapos ang masamang yugtong iyon hanggang ngayon, maligaya ako sa paggamit ng powerbook.

Hindi ko alam kung bakit kahit may kalumaan na ay gustong-gusto ko pa rin gamitin. Napapaisip nalang tuloy ako minsan kung totoo ba na hindi importante kung ano ang mayroon ka, ang importante ay kung ano ang halaga nito sa iyo. Wala talaga eh, kahit ipa-trade ito para sa mas bagong modelo medyo nag-aalinlangan pa ako. Para kasing iba na yung bonding namin, iba na yung attachment. Kaya ang best gadget ko for 2006 ay ang bulok na Powerbook.