Pagdating sa loob ng barangay hall, ang una kong napansin, maraming tambay. Sinamahan ako ng isa sa mga tambay sa barangay captain's office, yata (may karatula kasing nakalagay). Pagpasok, ipinaalam ko agad sa lalaking naroon, barangay captain siguro (hindi ko alam dahil isa akong mahusay na mamamayan), ang pakay na makakuha ng barangay clearance. Tinanong niya kung saan sa Kapasigan ako nakatira at chinika pa niya 'ko. Sinabi ko yung address namin. Chinika nanaman niya 'ko at tinanong niya kung may sedula o kung registered voter ako. Sinabi kong wala pa akong bagong sedula at hindi ako registered voter. Bigla nalang nagsabing kung kakilala niya walang problema, sa lalong madaling panahon daw ay makapagbibigay siya ng barangay clearance. Sinabi ko sa malapit lang ako nakatira, na totoo naman, kasi para bang nagdududa siya. Inulit-ulit pa niyang kung kakilala ko raw siya walang problema. Iba tuloy ang naisip ko.
Ano nga bang pinagkaiba kung kakilala o hindi ang kumukuha ng barangay clearance? Sila Ninoy, Roxas, Tito, Vic, and Joey ba dapat? Hindi ba't ang dapat na basehan ay ang mga naitala sa barangay? Anong mapapatunayan ng isang kapirasong papel? Gusto lang siguro nilang makasiguro kung totoong taga-Pasig ako. At anong kinalaman ng pagiging registered voter sa good moral character?
Tapos may tinawag siyang babae sa isang kwartong nasa loob ng barangay captain's office. Pawisang lumabas yung babae na may kinakausap pang lalaki bago tuluyang nakalabas ng kwarto. Iba nanaman tuloy ang naisip ko. Pareho lang ang tinanong nung babae sa akin. Kumuha nalang daw muna ng sedula.
Pag-uwi ko sa bahay, nakausap ko si mom. Sobrang laking gulat ko noong sinabi niyang mayroon na akong barangay clearance. Naalala ko bigla na para iyon sa barangay scholarship na hindi naman natuloy. Ang masaya, hindi ako ang kumuha noon, as in wala akong ginawa, si mom lang. Malabo talaga pero parang mas madali yatang kumuha ng clearance kung hindi ako ang kukuha.